BuCor, ipinagpaliban ang pagtatayo ng pasilidad sa Masungi Georeserve

Hindi na muna itinuloy ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pagtatayo ng pasilidad sa lupaing sakop ng ahensya sa Masungi Georeserve.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Tourism, nagdesisyon ang BuCor na ipagpaliban muna ng anim na buwan hanggang isang taon ang pagpapatayo ng anumang istraktura sa lugar.

Sinabi ni BuCor Acting Director General Gregorio Catapang Jr., na pinag-aaralan muna nila ang posibleng epekto sa kapaligiran kung magpapatayo ng mga gusali sa protected area.


Kukonsulta rin muna sila ng mga urban planner at environmental planner para matulungan sila na masigurong hindi makasisira sa ecosystem ng lugar ang balak na pagtatayo ng gusali.

Pagtitiyak ni Catapang, sakaling lumabas sa pag-aaral na makakawasak ng kapaligiran ang pagtatayo ng mga pasilidad sa Masungi ay hindi na nila ito itutuloy.

Matatandaang pinlano ng BuCor na ilipat ang headquarters nito at ang New Bilibid Prison sa Masungi Georeserve na siyang tinututulan naman ng Chairman ng komite na si Senator Nancy Binay.

Ipinunto ni Binay na anumang hakbang na magdudulot ng ‘imbalance’ sa ecosystem ng Masungi Georeserve ay may katapat na consequences hindi lamang sa epekto sa kapaligiran kundi pati na rin sa pamumuhay at turismo sa lugar.

Facebook Comments