BuCor, kinumpirmang may mga nasawing PDL sa New Bilibid Prison

Kinumpirma ngayon ng Bureau of Corrections (BuCor) na may mga Persons Deprive of Liberty (PDL) ang nasawi dahil sa COVID-19.

Sa inilabas na pahayag ni BuCor Director Gerald Bantag, nirerespeto nila ang karapatan ng mga PDL maging ang batas sa ilalim ng Data Privacy Act kaya’t hindi muna nila isinasapubliko ang pagkasawi ng mga ito.

Maging si BuCor Spokesman Gabriel Chaclag ay kinumpirmang nasa 18 inmates ng New Bilibid Prison (NBP) ang nasawi sa COVID-19, pero hindi naman niya pinangalanan ang mga ito.


Sinabi pa ni Chaclag na umabot sa 343 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa NBP at 311 sa mga ito ay nakarekober na sa sakit.

Inihayag pa ng BuCor na agad silang nagsasagawa ng identification, isolation at treatment programs para mapigilan ang paglaganap ng COVID-19 sa NBP.

Nakipag-ugnayan na rin ang BuCor sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, international organizations at NGOs para palakasin pa ang kanilang kampaniya kontra COVID-19.

Facebook Comments