Hiniling ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa sa Kamara na i-review ang Bureau of Corrections (BuCor) Modernization Law kasunod na rin ng ginawa ng ahensya na pagtatayo ng panibagong pader at pagpapasara sa Insular Prison Road sa loob ng New Bilibid Prison Reservation.
Sa pagdinig ng House Committee on Justice, umapela si Councilor Atty. Raul Corro na kailangang ma-review na ng Mababang Kapulungan ang modernization law ng BuCor dahil ipinipilit nito ang ‘absolute authority’ sa mga lupang pagmamay-ari ng ahensya.
Ayon kay Corro, sa kanyang pagkakaalam ay hindi naman talaga ang BuCor ang nagmamay-ari ng lupang sakop nito at ang lupa ay nakapangalan sa national government na direktang pinangangasiwaan ng Department of Justice (DOJ).
Sa ilalim ng modernization law ay BuCor ang dapat na nagmamay-ari ng lupa kaya malinaw na walang ‘absolute authority’ ang ahensya sa NBP Reservation.
Dahil dito ay pinabubusisi ng lokal na pamahalaan ang probisyon ng ‘absolute authority’ lalo pa’t apektado na sa pagsasara ng daan ang nasa walong libong pamilya sa Southville 3 at 40 libong mahihirap na populasyon na dumadaan sa nasabing kalsada.
Dagdag pa ng Muntinlupa LGU, bukod sa mas lalong napalayo ang biyahe ng mga residente dahil kinakailangan pang umikot ng daan, marami ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa pagsasara ng lansangan at umabot na rin sa sampu ang nasawi sa Southville 3 dahil hindi makapasok ang mga government services at mga ambulansya para respondehan ang mga nangangailangang residente.