Manila, Philippines – Pinulong ni Bureau of Corrections (BuCor) Chief Nicanor Faeldon ang liderato ng iba’t-ibang pangkat sa bilibid.
Ito ay matapos pansamantalang ipagbawal ang dalaw sa lahat ng bilangguan sa buong bansa kung saan apektado ang nasa 45,000 preso.
Ayon kay BuCor Chief Nicanor Faeldon, pansamantala munang suspendido ang mga pribilehiyo ng mga bilanggo matapos ang pagkakadiskubre ng kontrabando noong nakaraang linggo.
Gayunman sabi ni Faeldon, ibabalik lang ang visitation privilege ng mga preso pero may kondisyon.
Aniya, ang papayagan lang dumalaw ay ang kanilang abogado, mga kaanak at lehitimong asawa.
Kung common law wife ang dadalaw, dapat muna nila itong i-verify.
Hindi pa matiyak kung kelan maibabalik nang buo ang visitation privilege ng mga preso.