BuCor, pinutakte ng batikos dahil sa paglalagay ng pader sa isang kalsada sa Muntinlupa

Daan-daang residente ng Muntinlupa ang nagrereklamo ngayon sa Bureau of Corrections (BuCor) na tila inabuso ang kanilang kapangyarihan sa New Bilibid Prison (NBP).

Ang mga residente ng Southville 3, isang socialized housing subdivision sa Muntinlupa ang hindi naabisuhan at nakonsulta nang ipasara ng BuCor ang kanilang access sa labas ng subdivision nang harangin ng ahensya at lagyan ng pader ang ilang bahagi ng Insular Prison Road.

Kinokondena rin ng ilang city officials ang ginawa ng BuCor dahil walang nilalabas ang lokal na pamahalaan na anumang permit para payagan ito.


Paalala ni Muntinlupa Representative Ruffy Biazon na ang ginawa ng mga BuCor officials ay ilegal.

Paglabag aniya ito sa Article 694 o Civil Code dahil sa obstruction o nagdudulot ito ng abala sa malayang pagdaan ng publiko sa kalsada.

Ang nakakaalarma pa sabi ni Biazon ay wala itong maayos na koordinasyon mula sa Muntinlupa City Government at sa barangay, maging sa National Housing Authority (NHA) at sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Nagulat na lamang ang mga residente ng Southville 3 na ilang bahagi ng kalsada ay hinarangan na ng kongkretong pader.

Iginiit ni Cong. Biazon na nakokompromiso ng pader ang kaligtasan at kalusugan ng mga residente dahil hinaharang nito ang halos lahat ng papasukan sa subdivision para sa mga pulis, bumbero at iba pang emergency services.

Facebook Comments