BuCor, target na makamit ang ‘drug-free’ National Bilibid Prison pagsapit ng 2028

Pagsisikapan ng pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) na gawing drug-free na ang New Bilibid Prison pagsapit ng taong 2028.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na ilan sa mga hakbang na ginagawa na nila ay ang pagwasak sa mga kubol sa loob ng NBP.

Maging ang mga cubicle aniya sa mga gusaling pinaglipatan sa mga preso mula sa mga kubol ay giniba na rin.


Kaya lantad na aniya ang mga ito at madali nang makita ang bawat galaw sa loob o anupamang iligal na aktibidad tulad ng pagsusugal, o paggamit, at bentahan ng iligal na droga.

Sinabi pa ni Catapang, humingi na rin sila ng 100 milyong pisong pondo sa gobyerno para sa paglalagay ng mga closed-circuit television (CCTV) sa mga gusaling kinalalagyan ng mga preso.

Maging ang mga kulungan at lugar kung saan inaalagaan aniya ang mga kalapati ng mga preso ay giniba na rin.

Matatandaang ginagamit na rin kasing courier ng iligal na droga ng mga Person Deprived of Liberty (PDL) ang mga alaga nilang kalapati.

Bukod dito, ayon pa kay Catapang na may isang supplier na rin silang kinakausap para ito na lamang ang magdi-deliver ng mga order na pagkain ng mga PDL.

Kaugnay nito, nakalinya na rin aniya nilang ipatupad ang cashless transaction sa loob ng Bilibid.

Facebook Comments