Walang naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa mga bilangguan na nasa ilalim ng superbisyon ng Bureau of Corrections (BuCor).
Ayon kay Department of Justice (DOJ) Spokesperson at Undersecretary Markk Perete, sa loob ng dalawang linggo ay walang naitatalang bagong COVID-19 case ang BuCor sa mga penal farm at colonies na kanilang mino-monitor.
Sinabi ni Perete na sa pinakahuling tala, ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa mga bilangguan nasa ilalim ng BuCor ay nasa 343.
Sa nasabing bilang, 18 ang nasawi habang 323 ang recoveries o gumaling sa naturang sakit.
Nananatili naman na naka-quarantine ang isang Person Deprived of Liberty (PDL) at isang tauhan ng BuCor.
Sa labing-walo (18) na binawian ng buhay, 15 ang PDLs na mula sa National Bilibid Prisons (NBP) at tatlo ay galing sa Correctional Institute for Women (CIW).
Dagdag pa ni Perete na ang NBP at Correctional lamang ang penal farms at colonies na pinamamahalaan ng BuCor na nakapagtala ng mga kaso ng COVID-19, habang nananatiling COVID-19 free ang ibang pang kulungan.
Ipinaalala rin ni Perete na nananatiling suspendido ang personal na dalaw o visitation privileges dahil sa COVID-19 pandemic.
Pero tuluy-tuloy naman ang ‘Electronic Dalaw’ program upang makausap ng mga PDL ang kani-kanilang pamilya.