Sa layuning hindi na maulit pang muli ang hostage taking incident sa loob mismo ng Philippine National Police (PNP) Custodial center.
Magpapatupad ng reporma ang Pambansang Pulisya.
Ayon kay PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., magkakaroon na ng ka-buddy ang pulis na magpapakain sa mga detenido.
Sinabi ni Azurin na base kasi sa karanasan kahapon, pinagtulungan ng tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group na nagtangkang tumakas mula sa kanilang custodial facility si Police Corporal Roger Agustin kung saan pinagsasaksak ito ng tinidor.
Sa pamamagitan aniya ng buddy system ay hindi na magagawa pang pagtulungan ang mga pulis.
Samantala, wala namang balak armasan ng PNP ang mga pulis na maghahatid ng pagkain sa mga bilanggo.
Paliwanag ni Azurin, tila mas magiging delikado kung may armas ang mga pulis dahil posible pa itong maagaw.
Titiyakin din na walang nakakubling deadly weapon ang mga bilanggo kapag tapos na silang kumain para sila naman ay makapagpaaraw saglit.
Lahat aniya ng security protocols ay kanilang i-review nang sa ganon ay hindi na maulit ang insidente kahapon at matiyak na lahat ng mga nakapiit sa custodial center ay ligtas at nasa maayos na sitwasyon.