Para mas mapatatag ang public financial management ng bansa, isinusulong sa Kamara ni Ways and Means Chairman at Albay Representative Joey Salceda ang panukala na nagtutulak para sa accountability at pagtiyak na wasto ang paggugol sa pondo.
Sa ilalim ng House Bill No. 9214 o ang Budget Modernization Bill ay itinatakda ang ground rules para sa paggamit at alokasyon sa pondo ng gobyerno at pambansang budget gayundin ay mas pinatatatag dito ang partisipasyon ng publiko at transparency sa pondo.
Ang nasabing panukala ang prayoridad ng economic managers at siya ring batayan ng reporma ng administrasyong Duterte.
Nililinaw sa panukala ang proseso at regulasyon para sa budget preparation, management, at reporting.
Inilalatag din sa panukala na kapag ang isang congressional proposal na makakaapekto sa kita ng gobyerno tulad ng tax breaks ay dapat na may katapat ito na mapagkukunan o revenue source.
Nasa ilalim din ng panukala ang pag-institutionalize sa Budget Priorities Framework na titiyak na ang pambansang pondo ay mai-a-allocate o mailalaan sa mga prayoridad ng bansa.
Nakasaad din sa panukala ang malayang pag-access ng publiko sa mga impormasyon ng budget na sisiguro sa “people’s participation” sa proseso ng budget.