Itinutulak ni Senador Francis Tolentino ang pagkakaroon ng mas malaking budget allocation para sa Philippine Council for Industry Energy and Emerging Technology Research sa ilalim ng 2022 National Budget.
Ayon kay Tolentino, ito ay upang mas maalalayan ang mga bagong usbong na start-up companies lalo pa’t malapit ng makamit ng bansa ang tinatawag na ‘herd immunity.’
Sa pagdinig ng Senado sa budget ng Department of Science and Technology (DOST) ay pinaliwanag ni Tolentino na makatutulong sa ekonomiyang sinalanta ng COVID-19 pandemic ang pagpapalakas sa mga start-up companies.
Ang Philippine Council for Industry Energy and Emerging Technology Research ay isang ahensya sa ilalim ng DOST na naka-tokang alalayan ang mga start-up company.
Mula P864.97 milyon ngayong 2021, bumaba sa P815.22 milyon ang alokasyon ng nabanggit na ahensya para sa susunod na taon.
Inayunan naman ni Senador Joel Villanueva na siyang nag-sponsor sa budget ng DOST ang panukala ni Tolentino.
Bukod dito, iminungkahi rin ni Tolentino na madagdagan ang legal department ng DOST matapos lumitaw sa pagdinig na tatlo lamang ang abogado sa nabanggit na ahensya.
Giniit ni Tolentino na ang kakulangan ng mga permanenteng abogado sa DOST ay isa sa mga posibleng dahilan kaya hindi pa rin gawa ang Implementing Rules and Regulations ng mga batas na may kinalaman sa ahensya kagaya ng “Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act.”