Aabot sa P1.6 Billion ang balanse o hindi nagagamit na pondo ng Department of Agriculture.
Sa pagdinig ng DA sa Kamara kaugnay sa P3.757 Trillion budget, pinasusumite ng House Committee on Appropriations ang kopya ng detalye sa paggastos at balanse sa off budget accounts ng kagawaran.
Ang off budget accounts ay hiwalay sa pondo ng ahensya na nakukuha sa mga tanggapan na nasa ilalim ng DA.
Iginiit ni Bagong Henarasyon Rep. Bernadette Herrera-Dy na may malaking balanse ang DA mula sa off budget accounts na aabot sa 944 Million noong 2016 at tumaas pa sa 1.6 Billion noong 2017.
Bukod dito, umabot lamang sa 433 Million noong 2016 ang nagastos sa off-budget accounts habang 843 Million lamang noong 2017.
Kinukwestyon ni Herrera-Dy na bakit malaki pa ang balanse gayong maraming mga magsasaka ang nangangailangan ng tulong.
Aminado naman si Agriculture Sec. Emmanuel Piñol na hindi niya napag-aralan ang off-budget accounts kahit pa noong nakaraang budget hearing pa hinihingi sa kanya ito.