Budget deliberation ng Senado ngayong araw, sumentro sa mahigit P1.6 trillion na uutangin ng bansa sa 2023

Sinimulan na ngayong umaga ang budget deliberation sa plenaryo ng P5.268 trillion na 2023 national budget.

Sumentro agad ang pagtatanong ng oposisyon sa uutangin ng bansa sa 2023 na nasa mahigit P1.6 trillion.

Ayon kay Finance Committee Chairman Sonny Angara, P3.6 trillion ng pondo sa 2023 ay manggaling sa kita ng pamahalaan at buwis habang ang P1.6 trillion ang uutangin.


Pero kinukwestyon ni Senate Minority Leader Koko Pimentel kung bakit mahigit P1.6 trillion ang uutangin ng bansa.

Paglilinaw ni Angara, dinagdagan ang utang upang magkaroon ng buffer sa budget o standby funds at ang utang ay hindi lang para sa gastusin ng pamahalaan kundi para pambayad na rin sa principal at interest na pagkakautang ng bansa.

Ipinunto pa ni Pimentel na hanggang ngayong Agosto, lumobo na sa P13.6 trillion ang utang ng Pilipinas.

Sa 2023 budget, P1.5 trillion naman ang alokasyon para pambayad sa ating utang.

Punto pa ni Pimentel, lumalabas na bawat isa sa 109 million na mga Pilipino ay may utang na P119,458 kaya dapat lamang na maging masinop ang pamahalaan sa paggugol ng pambansang pondo.

Facebook Comments