Ipinagpaliban ng Senado ang pag-apruba sa plenaryo ng pondo ng Climate Change Commission (CCC) sa susunod na taon.
Ito’y matapos mapuna ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda na wala ang dalawang Commissioners ng ahensya na mahalaga sanang nasa budget deliberation.
Ayon sa sponsor ng budget ng ahensya na si Senator Imee Marcos, nasa Egypt ang mga opisyal para dumalo sa isang conference at sa November 18 pa ang balik sa bansa.
Dahil dito, nagmosyon si Legarda na ipa-defer ang deliberasyon sa pondo ng CCC at irereserba na lang ang kanyang mga tanong sa komisyon sa pagbalik ng mga ito sa susunod na linggo.
Nagbabala si Legarda sa posibilidad na tanggalan ng budget ang CCC nang sa gayon ay magtrabaho ang mga ito at asikasuhin ang mga magsasaka, mga mangingisda at mga katutubo na kailangan ng kanilang tulong matapos ang hagupit ng Bagyong Paeng.
Iginiit naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na minsan lang sa isang taon ang pagdalo ng mga pinuno ng mga ahensya sa Senado kaya dapat lamang na magpakita ng paggalang at personal na humarap sa budget deliberation.