Budget for free education, tiniyak na maisasama pa rin sa 2018 National Expenditure Program

Manila, Philippines – Pinahupa ni House Committee on Appropriations Chairman Karlo Nograles ang pangamba ng marami na wala sa 2018 National Expenditure Program ang budget para sa free education.

Kinumpirma ni Nograles na wala nga sa pambansang budget sa susunod na taon ang pondo para sa libreng college education matapos na batikusin ito ng Makabayan sa Kamara.

Pero pagtitiyak ni Nograles, hindi pa naman huli para maisama ito sa budget dahil mahaba pa naman ang budget deliberation.


Nilinaw ni Nograles na noong 2017 budget ay wala din ang pondo para sa free tuition fee sa mga State Colleges and Universities subalit nang magkaroon ng bicam session ang Senado at Kamara para sa 2017 budget ay isinama ang pagpapalabas ng P8.3B budget para sa free college education na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Nograles na posible na ganito din ang mangyari sa 2018 budget.

Dagdag ni Nograles, siya mismo ay pabor para isama sa budget ang free college education.

Kampante ang kongresista na may malasakit ang Pangulong Duterte sa mga mahihirap na kabataan na nagsusumikap na mag aral.

Samantala, tinututulan ng mga economic managers ang paglalagay ng budget oara sa free college education.

Giit ni Budget Secretary Benjamin Diokno, lubhang magastos ito dahil nasa P100B ang kailangan gugulin dito na budget na hindi kakayaning tustusan ng gobyerno.

Dagdag pa ni Diokno na hindi naman ang mga mahihirap na pamilya ang karaniwang nakikinabang sa free college education dahil maraming mga may-kaya sa buhay ang nakikinabang dahil sa libreng edukasyon.

Umapela naman si Kabataan Rep. Sarah Elago kay Pangulong Duterte at sa mga mambabatas na iprayoridad ang free tution fee sa kolehiyo at nasa P9.1Billion budget ang kakailanganin dito.

Facebook Comments