Planong palawigin at gawin sa labas ng kamara ang pagdinig para sa P4.1 trillion national budget.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, malaki ang posibilidad na i-extend ang mga pagdinig sa huwebes at biyernes para mapabilis ang deliberasyon sa pambansang budget.
Tinitingnan din ang pagsasagawa ng mga budget hearings sa labas ng batasang pambansa gaya sa mga lungsod kung saan naroon ang mga concerned government agencies na nakatakdang sumalang sa pagdinig sa araw na iyon.
Tiniyak naman ni Cayetano na kung sa labas gagawin ang deliberasyon sa budget ay hindi naman ito mahal at hindi rin magagastusan ang mababang kapulungan.
Pinaiiwas naman ng speaker ang mga kongresista sa pagdalo ng lima hanggang sa walong committee hearings sa halip ay mag-focus ang mga ito sa kanilang expertise na tatlo hanggang dalawa lamang na pagdinig.
Plano ding gawing sabay-sabay ang budget hearings upang umabot sa target deadline na October 5.
Isa rin sa ikinokonsidera ay ang tadtad na public holidays partikular ngayong Agosto kaya aayusin na ang scheduling ng simultaneous hearings sa lalong madaling panahon.