Nababahala si Committee on Appropriations Vice Chairman Jonathan Sy-Alvarado na magkaroon ng “budget impasse” o hindi pagkakasundo sa pambansang pondo sa oras na mapalitan na ang kasalukuyang Speaker na si Congressman Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Alvarado, batay sa kanyang naging karanasan sa Kongreso, ay hindi naging maganda ang resulta ng pagpapalit ng Speaker para sa gobyerno.
Kung matatandaan aniya noong 2019 ay nagkaroon ng budget impasse matapos na biglang palitan sa pwesto ni dating Pampanga Representative Gloria Arroyo ang noo’y nakaupong Speaker na si Davao Del Norte Representative Pantaleon Alvarez.
Magkagayunman, hindi pa rin tiyak ni Alvarado kung ano ang magiging epekto ng nalalapit na pagpapalit ng liderato ng Kamara sa pambansang pondo.
Iginiit din ng kongresista na hindi pa naman opisyal na inaanunsyo ang pagpapalit ng Speaker kaya hindi dapat ito pangunahan ng sources ng mga balita.
Mababatid na ilang kongresista mula sa kampo ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco na dumalo sa pulong sa Palasyo ang nagsabing sa October 14, 2020 na uupong Speaker si Velasco na siya ring petsa na target aprubahan ang P4.5 trillion na pambansang pondo sa 2021.