Budget increase sa BFAR at PhilSA, malaking tulong sa mga mangingisda

Pinasalamatan ni Quezon Province Representative Reynante Arrogancia ang mga senador sa pagdagdag ng pondo para sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Philippine Space Agency (PhilSA).

₱720 million ang ibinigay na budget ng Senado sa BFAR habang ₱200 million naman sa PhilSA.

Diin ni Arrogancia ang kooperasyon sa pagitan ng nabanggit na mga ahensya ay malaking tulong sa ating mga mangingisda lalo na tuwing may bagyo o masama ang kondisyon sa karagatan.


Paliwanag ni Arrogancia, mahalagang mapondohan ang modernisasyon ng BFAR para mabigyan nito ang ating mga mangingisda ng matitibay na bangkang may taglay na high-tech na mga kagamitan at Global Positioning System.

Suportado rin ni Arrogancia ang pagkakaroon ng maraming marine hatcheries tuwing closed fishing season para mapag-ibayo ang sapat na suplay ng pagkain sa bansa.

Binanggit naman ni Arrogancia, na malaki ang papel ng Philippine Space Agency microsatellites para madaling matunton ang mga bangkang at mabantayang mabuti ang sitwasyon sa karagatan.

Bukod dito ay ikinatuwa rin ni Arrogancia na itinaas ng senado sa ₱19.9 million ang pondo para sa Southern Luzon State University na nasa Quezon Province.

Facebook Comments