Manila, Philippines – Umapela si House Appropriations Committee Chairman Karlo Nograles sa kanyang mga kasamahang mambabatas sa Kamara at Senado na huwag limitahan ang panukalang P1.16-B supplemental budget para sa mga naturukan ng Dengvaxia.
Ito ay kasunod ng ibang bersyon ng supplemental budget na inaprubahan ng Senado.
Sa bersyon anya ng Senado ay nakasaad na ang makikinabang lamang ay ang mga pasyenteng may dengue habang ang bersyon na ipinasa ng Kamara ay para sa 800,000 o lahat ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia noong 2016.
Ayon kay Nograles, dapat na mapunta sa mga nabigyan ng Dengvaxia ang supplemental budget anumang sakit ang dumapo sa mga ito at hindi lamang sa mga batang nagkasakit lang ng dengue.
Giit nito, ang supplemental budget ay magmumula sa inisyal na reimbursement mula sa kumpanyang Sanofi Pasteurs ng France sa gobyerno ng Pilipinas.
Nanawagan din ang mambabatas mula Mindanao sa kanyang mga kasamahan sa bicameral conference committee na isaalang-alang ang sentimyento ng mga pamilyang nabigyan ng Dengvaxia at ang isabatas ay panukalang supplemental budget na ipinasa ng mababang kapulungan.