Budget ng NTF-ELCAC, maaaring ipambili ng COVID-19 vaccine at ipang-ayuda sa mahihirap

Hinikayat ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang Malakanyang na gamitin pambili ng COVID-19 vaccine at pang-ayuda sa nangangailangan ang 19-bilyong pisong pondo ngayong taon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Giit ni Drilon, sa batas ukol sa national budget ay pwedeng ilipat ng Pangulo ang budget ng NTF-ELCAC sa pagbibigay-ayuda gayundin para sa COVID-19 vaccination program.

Suportado ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang isinusulong na gawing pang-ayuda ang pondo ng NTF-ELCAC na aniya’y pwedeng hatiin sa tig-5,000 pesos para sa 3.8-milyong maralitang pamilya sa bansa.


Mungkahi naman ni Senator Leila De Lima, ilaan ang pondo ng NTF-ELCAC sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at iba pang economic amelioration programs para sa mga mahihirap.

Katwiran ni De Lima, mas mainam na gamitin ang naturang salapi sa pagkain at kabuhayan kaysa tsismis at pang-iintriga.

Facebook Comments