Budget ng Office of the Vice President sa 2022, lusot agad sa komite ng Kamara

Agad na tinapos ng House Committee on Appropriations ang pagdinig sa 2022 budget ng Office of the Vice President (OVP) bilang bahagi ng “interparliamentary courtesy.”

Mismong si Vice President Leni Robredo ang nagprisinta sa panel ng mga accomplishment ng kanyang tanggapan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa 2022 ay aabot sa P713.41 million ang inirekomendang budget ng Department of Budget and Management (DBM) para sa OVP sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).


Mas mababa ito ng 21% kumpara sa P908.79 million na pondo ng OVP ngayong 2021.

Sa orihinal na budget proposal ng OVP, P714.56 million ang hinihinging pondo nito sa 2022.

Umapela naman ang mga kongresista ng Makabayan na madagdagan ng pondo ang OVP sa susunod na taon lalo pa’t maraming nagawang proyekto at programa ang ahensya para sa mga kababayang apektado ng pandemya.

Facebook Comments