Budget ng OVP, ibinalik ng bicam sa orihinal na budget proposal

Inaprubahan ng bicameral conference committee ang pagbabalik sa buong panukalang budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2026.

Sa bicam, ibinalik sa ₱889 milyon ang panukalang pondo ng OVP sa susunod na taon mula sa ₱733.1 milyon na unang inendorso ng Kamara.

Paliwanag ni Senator Sherwin Gatchalian, bicam chairman ng Senate contingent, ibinalik lamang nila ang pondo sa rekomendasyon ng Malakanyang sa National Expenditure Program (NEP).

Dagdag pa ni Gatchalian, maliit lamang ang halagang ibinalik kaya’t hindi na dapat pinatatagal pa ang usapin.

Matatandaang pinatapyasan ng Kamara ang pondo ng OVP para sa 2026 matapos hindi siputin ni Vice President Sara Duterte ang dalawang budget hearings ng Mababang Kapulungan.

Facebook Comments