Inaprubahan na sa plenaryo ang P733 million na 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP).
Personal na dumalo si Vice President Sara Duterte sa plenaryo ngayong hapon kung saan mabilis lang din na tinapos ng mga senador deliberasyon at hindi na nagbato ng mga katanungan sa OVP.
Tumayo lamang sa plenaryo sina Senator Ronald “Bato” dela Rosa at Senator Bong Go at nag-manifest na may mga ipapasok na amendments sa OVP budget at hihilinging maibalik ang orihinal budget proposal na P2 billion.
Pagkatapos nito ay agad na nagmosyon si Dela Rosa na aprubahan na sa plenaryo ang pondo ng OVP na siyang sinegundahan naman ni Senator Cynthia Villar.
Nagpaunlak naman ng panayam sa media si VP Duterte kung saan nagpasalamat siya sa mataas na kapulungan ng Kongreso sa pag-accommodate at sa mabilis na aksyon sa kanilang OVP budget.
Sinabi ni Duterte na bagama’t walang commitment na ibinigay sa kanya ang mga senador kung maibabalik pa ang tinapyas na P1.3 billion na pondo sa kanila, pero umaasa ang bise presidente na maibabalik ng buo ang kanilang budget lalo’t malaking bagay ito para sa kanilang mga empleyado na posibleng manganib na mawalan ng trabaho dahil sa binawasang pondo.
Sakali namang hindi na talaga maibalik ang tinapyas na pondo sa OVP, sinabi ni Duterte na pagkakasyahin na lamang nila sa kanilang mga proyekto kung magkano man ang pinal na halaga na ibibigay na budget.