Iginiit ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada na taasan ang budget ng Philippine Coast Guard (PCG) para matugunan ang logistical requirements nito para sa lubusang pagsuporta sa mga misyon at matulungan ang bansa sa pagtataguyod ng territorial integrity.
Ginawa ni Estrada ang pahayag matapos ang ginawang pag pull-out ng BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal sa West Philippine Sea (WPS) kung saan dumating ng dehydrated at gutom ang mga tauhan ng PCG na sakay ng naturang barko.
Binigyang-diin ni Estrada na mahalaga ang karagdagang pondo para sa PCG dahil na rin sa hamon na kanilang naranasan, gaya ng ipinakita ng kaso ng BRP Teresa Magbanua.
Mahalaga aniya ang pagsuporta sa pondo ng PCG upang matiyak na ang lahat ng naka-deploy na sasakyang-dagat ay makakatanggap ng sapat na mga probisyon at regular na maintenance upang mapanatili ang seaworthiness.
Iginiit ni Estrada na dapat bigyan nang kaukulang suporta ang PCG na hindi natitinag ang propesyonalismo at pagiging matatag na puwersa sa pagtatanggol sa ating maritime territories at pagprotekta sa ating pambansang interes.