Dinagdagan pa ng Senado ang budget ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa taong 2024.
Sa budget deliberation sa plenaryo ay binusisi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang dahilan sa pagtaas ng pondo ng PCG sa P1.35 billion.
Paliwanag dito ni Senator Grace Poe, ang sponsor ng PCG budget, ilan sa mga dahilan na dinagdagan ang budget ng coast guard ay dahil umaabot na sa P1.7 billion ang gastos sa fuel ng mga barko sa kada taon.
Bukod dito, wala ring pondo ang PCG para sa maintenance ng kanilang mga barko kaya marami sa mga ito ay inoperable o hindi na napakikinabangan dahil hindi name-maintain.
Paliwanag pa ni Poe, binigyan ng dagdag na budget ang PCG dahil na rin sa tumitinding sitwasyon ngayon sa West Philippine Sea.
Giit ni Poe, ang ating PCG ang “first line of defense” ng bansa sa karagatan kaya kung wala namang gasolina ang mga barko ay walang mangyayari at hindi rin tayo makapagsasagawa ng inspeksyon sa mga barkong naglalayag.
Sinuportahan naman ng Minority Leader ang hakbang na ito ng Senado lalo’t nakita kung gaano kahalaga ang papel ng PCG sa ating mga pantalan at pagbabantay sa ating teritoryo.