Manila, Philippines – Inaantabayanan na sa Kamara ang mainit na debate sa plenaryo ng budget ng PNP sa 2018.
Ayon kay House Committee on Appropriations Chairman Karlo Alexei Nograles, malaki ang epekto ng insidente ng pagpatay sa Grade 11 student na si Kian delos Santos sa pagtalakay ng pondo ng PNP.
Posible aniyang sa pagsalang ng pondo ng PNP sa plenary debate ay maraming kongresista ang mag-mungkahi na bawasan ang budget sa susunod na taon.
Sa 170.7 Billion ng DILG budget, malaking bahagi nito ay nakalaan sa PNP na aabot sa 131 Billion.
Bagamat ayaw pangunahan ng kongresista, inaasahan na ni Nograles ang mga panawagan ng pagtapyas sa PNP budget lalo na sa pondo para sa kampanya kontra iligal na droga bunsod na rin ng dami ng isyung kinakaharap ng ahensya.
Mababatid na inaprubahan sa committee level ang DILG budget isang araw matapos na mapatay ng mga pulis ang menor de edad na si delos Santos.