Pinoproseso na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas sa pondo para sa fuel subsidy ng Department of Transportation (DOTr) na ipagkakaloob sa pampublikong transportasyon.
Inihayag ito ni DBM acting Director Maria Celia Abogado sa pagbusisi ng House Committee on Appropriations para sa P213.7 billion na panukalang pondo para sa DOTr sa susunod na taon.
Tugon ito ni Abogado sa sinabi ni House Deputy Minority Leader Bernadette Herrera, na hindi pa nagagamit ang P5.5 billion fuel subsidy na inilaan sa ahensya kung saan ang P3 billion ay noong 2022 at P2.5 billion ngayong 2023.
Binanggit din ni Abogado, noong August 9 lamang nag-request ang DOTr para mai-release ang pondo at mayroon ding kulang na dokumento at naisumite nila ang kumpletong request via online nitong Sept. 2.
Ayon Land Transportation Franchising and Regulatory Board, nasa 1.3 milyon na pampublikong drivers at operators ang nakatakdang tumanggap ng fuel subsidies na tulong ng gobyerno sa harap ng mataas na presyo ng diesel at gasolina.