Umapela ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at League of Provinces of the Philippines (LPP) sa Senado na panatilihin sa 2022 national budget ang ₱28.1 billion Barangay Development Program para sa mga New People’s Army (NPA) cleared barangay.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, ang Support to the Barangay Development Program (SBDP) ay isang game-changer sa paglaban para tuluyan nang mawakasan ang communist terrorism sa bansa.
Unti-unting na aniyang nararamdaman sa mga barangay na sakop ng SBDP ang tunay na kahulugan ng pagbabago at pagkalinga ng gobyerno.
Ang pagbawas aniya sa ₱28.1 billion ay magpapadala ng maling senyales sa mga Local Government Unit (LGU) na umaasa sa mga development project na ito sa susunod na taon.
Giit pa ng kalihim, ang ₱16.44 billion development projects sa ilalim ng Support to the Barangay Development Program ngayong taon ay puspusan na naipapatupad sa 822 insurgency-cleared barangays na kung saan ang ilan ay natapos na.