Tiniyak ni House Speaker Lord Allan Velasco na wala silang binago sa mga alokasyon sa bawat distrito na una nang inilatag ni dating Speaker Alan Peter Cayetano sa 2021 General Appropriations Bill (GAB).
Paliwanag ni Velasco, bukod sa “pork-free” ay walang individual amendments na ipinasok ang small committee ng Kamara kundi puro ‘institutional amendments’ lamang dahil maraming ahensya at tanggapan ang humiling ng dagdag na pondo sa susunod na taon.
Partikular din na tinukoy ni Velasco ang pondo ng Taguig at Camarines Sur na wala silang pagtapyas na ginawa kahit pa nauna na itong nakwestyon noon ng mga kasamahang kongresista.
Paglilinaw naman ng Speaker, dadaan pa rin ito sa bicameral conference committee at doon matitiyak ang fair at equitable na budget allocation sa bawat distrito.
Samantala, aabot naman sa ₱2 billion ang inaprubahang “institutional amendments” sa ₱4.5 trillion na 2021 national budget.
Sinabi ni Appropriations Senior Vice Chairman Joey Salceda na partikular na dinagdagan ang pondo para sa COVID-19 vaccine, ayuda para sa mga displaced workers, at pagpapalakas ng internet connection sa lahat ng mga pampublikong paaralan.
Aniya pa, pawang institutional amendments at departmental errata lamang ang ikinunsidera ng small committee na bumusisi sa mga pag-amyenda sa pambansang pondo dahil ang lahat ng mga individual amendments ay sa bicameral conference committee na lamang tatalakayin kung saan kasama ang Senado.
Dagdag pa ng kongresista, dahil dito ay malabong mangyari ang pinangangambahang “reenacted budget”.