Budget sa Rice Fund, hiniling na dagdagan

Iminungkahi ni Senator Robinhood “Robin” Padilla na dagdagan ang pondo ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) upang mas maging competitive ang mga magsasaka sa bansa.

Sa inihaing Senate Bill 231 ni Padilla ay pinaaamyendahan dito ang ilang mga probisyon sa Republic Act 8178 o ang import restrictions sa mga agricultural products.

Sa ilalim ng panukala ay pinatataasan ang pondo sa Rice Fund sa ₱15 billion kada taon mula sa ₱10 billion.


Dahil madadagdagan ang pondo ng RCEF ay kasabay na tataas din ang mga programa sa ilalim nito.

Nakasaad sa panukala na 50% ng Rice Fund ay alokasyon para sa Rice Farm Machineries and Equipment, 10% naman sa Expanded Rice Credit Assistance, at 10% sa Rice Extension Services.

Isisingit din sa panukala ang paglalaan ng 10% ng Rice Fund sa scholarship at health services ng farmer beneficiaries sa ilalim ng Rice Tariffication Law o ang Republic Act 11203.

Giit ni Padilla, marami ang naging butas sa implementasyon ng batas partikular na sa pagpapasok ng maraming imported na bigas na naging dahilan sa sobrang pagkalugi ng mga lokal na magsasaka.

Facebook Comments