“Budol-Budol Gang” Muling Umatake sa Santiago City, 300 Libong Piso ng Lola Natangay!

Santiago City, Isabela- Isang lola nanaman ang nabiktima ng hindi pa
matukoy na grupo ng “Budol-Budol Gang” dakong alas nuwebe ng umaga ngayong
araw, Marso 20, 2018 sa lungsod ng Santiago, Isabela.

Ang biktima ay kinilalang si Jovita Facunla, 61 anyos, may asawa at
residente ng Brgy. Rizal, Santiago City.

Sa pakikipanayam ng RMN Cauayan News kay SPO3 Jimmy Salmo, Chief
Investigator ng PNP Station 1 Santiago City, Nilapitan umano ng isang babae
at lalaki ang biktima habang siya ay namamalengke sa naturang lungsod at
nagpakilalang kaklase ng mga ito ang kanyang anak.


Matapos ang kanilang pag-uusap ay niyaya ng dalawang suspek ang biktima sa
kanilang sasakyan at doon nakilala ang tatlo pang kasama ng dalawang suspek
hanggang sa makuha nila ang loob ng biktima.

Inaya umano ng isa sa mga suspek ang biktima na sumama sa pagbili ng pang
construction materials at ipinakita pa umano sa kanya ang perang gagastusin
na nakalagay sa itim na handbag.

Kaugnay nito, inalok si Facunla na mabibigyan siya ng mas malaking pera
kung makakapagbigay ito ng mas mataas na halaga ng perang ipinakita sa
kanya kung saan agad namang sinunod ng biktima ang pain ng mga suspek
kaya’t hinatid si Facunla malapit sa kanyang bahay at doon hinintay ang
pagbabalik nito.

Nang makabalik na sa sasakyan ang biktima dala ang kanyang perang
napagbentahan ng palay na nagkakahalaga ng tatlong daang libong piso
(300,000.00) ay sinabihan ito ng isang suspek na ilagay ang kanyang hawak
na pera sa itim na handbag.

Habang binabaybay ng mga suspek ang lansangan kasama ang biktima ay
itinigil umano nila ang kanilang sasakyan at doon pinababa at iniabot sa
biktima ang itim na handbag na naglalaman lamang ng papel at pinangakuang
babalikan nila ito.

Nang hindi na mahintay ng biktima ang mga suspek ay umuwi ito sa kanilang
bahay at laking gulat na lamang sa nakitang laman ng bag na pira-pirasong
papel at napag-alamang natangay na mga suspek ang kanyang pera.

Patuloy naman sa imbestigasyon ang nasabing himpilan upang matukoy at
mahuli ang mga suspek.

DWKD985Cauayan, RMN Cauayan, Santiago City, Isabela, Luzon

Facebook Comments