BUDOL BUDOL GANG | Suspek, arestado!

Quezon City – Arestado sa entrapment operation sa Quezon City ang suspek sa pambubudol sa dating OFW na natangayan ng halos 8-milyong piso.

Kinilala ang suspek na si Jonathan Asuncion na noong una ay nagpakilala sa biktima bilang Engr. Luis De Guia.

Kwento ng biktimang si Leonardo Austria, una niyang nakilala ang isang Vince na isa raw importer ng fish enzyme.


Makalipas ang isang linggo, nakilala naman niya si Asuncion na may kasamang Hapon na noon ay naghahanap daw ng supplier ng Tuna fish enzyme.

Dahil dito, pinagtagpo niya ang tatlo na lingid sa kaalaman niya ay magkakasabwat pala at nagkaroon sila ng transaksyon kung saan makakatanggap siya ng porsiyento.

Nakiusap raw sa kanya si Asuncion na abonohan muna ang pambayad sa 250 kahon ng fish enzyme at ipinadeposito ang pera sa bank account ni Winifredo Adriano.

Ayon kay Adriano, pinakiusapan siya ng suspek na sa bank account niya ideposito ang P7.26 million.

Pero laking gulat niya nang lumabas sa balita ang pangalan niya bilang suspek sa pambubudol kung saan hiningian naman siya ni Asuncion ng P100,000 para hindi siya idawit niya sa kaso.

Dito na nagsumbong sa QCPD si Adriano na nagresulta ng pagkakaaresto ni Asuncion na ngayo’y nahaharap sa kasong robbery-extortion.

May hiwalay na kaso rin siya ng syndicated estafa na isinampa naman ng nabiktima niyang OFW na hawak naman ng balanga, Bataan Police Station.

Facebook Comments