‘Budol SMS scams’, dapat puspusang imbestigahan ng Privacy Commission

Iginiit ni Senator Joel Villanueva sa National Privacy Commission (NPC) na masusing imbestigahan ang kumakalat na text scams tulad ng mga kunwaring nag-aalok sa publiko ng trabaho na may malaking sweldo.

Inilarawan ni Villanueva, ang mga SMS scams na ito bilang mga “robo text” na variant ng “fake news” na posibleng nagmula sa isang data breach o data sale ng mga pribadong impormasyon sa mga indibidwal.

Hiling ni Villanueva sa Privacy Commission, makipag-ugnayan sa National Telecommunications Commission (NTC) kung paano pahihintuin ang ganitong uri ng privacy intrusion sa mamamayan.


Umapela rin si Villanueva sa ibang ahensya ng pamahalaan at mga pribadong telco na magtulungan upang mapigilan ang scam na ito na makaloko pa ng mga tao sa pamamagitan ng “smishing”.

Ayon kay Villanueva, isa itong uri ng text message phishing na ginagamit ng mga kriminal para makuha ang mga pribadong impormasyon ng isang tao.
Diin pa ni Villanueva, paglabag din sa batas ang pag-aalok ng mga scammers o illegal recruiters na ito ng trabaho sa ibang bansa.

Facebook Comments