Iginiit ngayon ng lokal na pamahalaan ng Maynila na magiging mas maingat sila sakaling magpatupad ng granular lockdown sa mga barangay o ilang lugar sa lungsod.
Nabatid kasi na kanilang ikinokonsidera ang buhay at kabuhayan ng bawat pamilyang Manileño sakaling magkaroon ng granular lockdown.
Matatandaan na nasa 14 na araw ang granular lockdown kung saan kabilang sa mga maaapektuhan dito ang ilang mga naghahanap-buhay kahit pa sila ay Authorized Person Outside Residence o APOR.
Ibig sabihin nito ay hindi rin sila makakapasok sa trabaho ng dalawang linggo.
Bagama’t may mga nakahandang tulong mula sa lokal na pamahalaan, hindi ito magiging sapat lalo na’t ang iba sa mga ito ay no work, no pay.
Lubos ring maaapektuhan ang mga kabuhayan ng ilang mga nagtitinda o may maliliit na negosyo sa lungsod kaya’t masusing pinag-aaralan ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pagpapatupad ng granular lockdown.
Sakali namang magdesisyon ng granular lockdown ang Manila Local Government Unit (LGU), nakapaloob pa rin ang mga kautusan nito base sa guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF).