Buhay at sakripisyo ni Rizal, dapat gawing inspirasyon ng mga lider at kabataan—PBBM

Kaisa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng sambayanang Pilipino sa paggunita ng ika-129 anibersaryo ng kabayanihan ni Gat Jose Rizal.

Sa kanyang Rizal Day message, sinabi ng Pangulo na ang sakripisyo at pagiging martir ni Dr. Jose Rizal ang gumising sa kamalayan ng mga Pilipino bilang isang malayang bayan na may dignidad at kakayahang hubugin ang sariling kinabukasan.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na sa panahong hinihingi ng taumbayan ang integridad at pananagutan mula sa mga pinuno, nananatiling mahalagang gabay ang buhay at mga aral ni Rizal.

Aniya, ang mga prinsipyong ipinaglaban ng pambansang bayani ay dapat magsilbing pamantayan ng lahat, mapa-pribado man o pampublikong sektor, at manaig ang pagmamahal sa bayan kaysa pansariling interes.

Dagdag pa ng Pangulo, nawa’y magsilbing inspirasyon lalo na sa mga kabataan ang paggunita sa kabayanihan ni Gat Jose Rizal habang patuloy ang sama-samang pagsisikap sa nation-building at sa pagtataguyod ng hustisya na ipinaglaban ng ating pambansang bayani.

Facebook Comments