Buhay ni ex-Mayor Sanchez “baka umikli kapag lumabas ng selda” – Sen. Go

Malacañang Photo

Pinayuhan ni Senador Christopher “Bong” Go si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na huwag siyang mangarap na makalabas pa ng bilangguan.

Giit ng mambabatas, nararapat lamang na pagbayaran habambuhay ng convicted murderer at rapist ang isinagawang karumal-dumal na krimen noong 1993.

Ayon pa kay Go, mas ligtas si Sanchez kapag nanatili sa loob ng maximum security compound sa New Bilibid Prison.


“Kaysa lumabas ka, baka umikli pa ang iyong buhay,” pahayag ni Go sa isang panayam nitong Huwebes.

Kailangan rin umanong pag-aralan ang kaso ng noo’y alkalde lalo na at hindi siya nag-apply ng executive clemency.

“He is one of the names in the list of 10,000 inmates who may be benefited by RA 10592. However, this is not an automatic grant but will be subject to stringent evaluation as mentioned by SOJ (Secretary of Justice) and BuCor (director) Faeldon,” ani Go.

Isa si Go sa libu-libong kataong tinututulan ang paglaya ni Sanchez na siyang mastermind sa panghahalay at pagpaslang kina Mary Eileen Sarmenta at Allan Gomez, parehong estudyante ng University of the Philippines-Los Baños (UPLB).

Matatandaang sinentensyahan ni Judge Harriett Demetriou ng Pasig RTC Branch 70 ng pitong bilang ng reclusion perpetua o 360 taong pagkakakulong si Sanchez noong Marso 14, 1995.

Facebook Comments