BUHOL NA KABLE | Aberya ng MRT, dahil sa nabuhol na kable

Manila, Philippines – Dahil sa nagkabuhol buhol na kable kung kaya’t nakaranas ng maagang aberya ang MRT ngayong Lunes ng umaga na nagdulot ng perwisyo sa mga parokyano ng MRT.

Sa inilabas na incident report ng DOTr-MRT-3 ang sanhi ng power supply failure sa mrt ay bunsod ng intertwined wires o nagkasala-salabat na kable o nabuhol ang new feeder wire sa outrun messenger wire.

Dahil dito naapektuhan ang 750 vdc/ direct current na supply ng kuryente para patakbuhin ang tren ng MRT.


Ayon pa sa pamunuan ng MRT ang Contractor for Power Expansion ng MRT na ASIAPHIL ay nagsagawa ng cable pooling kagabi kung kaya’t posibleng naapektuhan ang wirings ng MRT.

Sa timeline ng MRT, kaninang alas-kwatro ng madaling araw, inireport ng Overhead Catenary System team ang power failure sa pagitan ng North Ave. at GMA-Kamuning Stations, Northbound.

Dakong 5:00 am, nag-abiso ang Control Center na magkakaroon ng pagkaantala o delay sa deployment ng tren dahil sa nasabing power failure.

Alas 6:00 ng umaga, nag-deploy na ang OCS ng UNIMOG vehicle para suriin at isailalim sa repair ang aberya.

Alas 6:15 ng umaga nang mag normalized ang power supply at dakong 6:50 ng umaga 7 tren na ang balik operasyon.

Pero kahit na bago mag alas-siete ng umaga naibalik sa normal na operasyon ang MRT, hindi naman agad ito naramdaman ng riding public dahil sa mala sawang pila ang idinulot ng aberya na naging dahilan kung bakit maagang uminit ang ulo ng mga pasahero.

Facebook Comments