Mahigit 6.5 milyong trabaho ang nalikha ng Build, Build, Build infrastructure program ng administrasyong Duterte simula 2016.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar, maliban sa trabaho ay 26,494 kilometrong kalsada at 5,555 kilometrong tulay nationwide ang nagawa sa nakalipas na limang taon.
Sa mga huling taon ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Villar na target ng gobyerno na makalikha pa ng 1.6 milyong trabaho.
“Target po natin this year is 1.6 million jobs kaya napakalaking bagay po na habang ginagawa ay nakakapag-generate ng trabaho. Kapag natapos na ang project, siyempre magkakaroon ng mga investment. Magkakaroon ng mga opportunities ang ating mga kababayan lalo na sa probinsya dahil magkakaroon ng connectivity,” ani Villar.
Tiniyak naman ni Villar na ang natitirang civil works ay tinututukan para sa pagmodernisa ng Estrella-Pantaleon Bridge sa susunod na buwan.