Build Build Build program ni Pangulong Duterte, itutuloy ni presidential candidate Panfilo Lacson

Tiniyak ni presidential candidate at Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson na itutuloy niya ang programa ni Pangulong Rodrigo Duterte na ‘Build, Build, Build’ pero lilipat siya sa Public Private Partnership na kung saan ay hindi gagastos ang gobyerno dahil inisiyatiba ito ng mga pribadong kompanya.

Ayon kay Lacson, maraming mga malalaking korporasyon ang nagpahayag na ng kahandaan na sila ay makikiisa sa nation building ng bansa lalo sa usapin imprastraktura.

Paliwanag pa ni Lacson na sa kanyang pananaw, legasiya ng Duterte administration ang Build, Build, Build kaya’t nararapat aniyang huwag nating iwanan kaya’t nagpasya siyang ipagpapatuloy sakaling palarin siyang maging pangulo ng bansa pero ang problema ay lubog umano tayo sa utang na umaabot sa P12.3 trilyon kaya’t napapanahon na umanong mag-shift mula sa Build, Build, Build patungong Public Private Partnership dahil hindi na gagastos ang pamahalaan dito.


Dagdag pa ni Lacson, sa 118 mga proyekto ng kasalukuyang administrasyon, ang natapos lang umano ay 12 kaya’t ipinaubaya na nito sa mga kababayan natin ang maghusga kung matagumpay ba ang mga programa ng Duterte administration.

Hindi nangangahulugan na hindi nito ipagpatuloy ang mga magagandang programa ng kasalukuyang administrasyon gaya ng Build, Build, Build ngunit gagawin ng beteranong senador na mas mahusay pa at malawak.

Binigyang-diin pa ni Lacson na hindi aniya basta na lamang talikuran ang mga kontrata ng gobyerno lalo na kung ito ay may sangkot sa foreign investments na dapat ituloy.

Facebook Comments