Manila, Philippines – Inanunsyo na ng Judicial and Bar Council o JBC ang pagbubukas nito ng aplikasyon para sa nabakanteng pwesto sa Court of Appeals.
Kasunod ito ng pagkakatalaga kay Associate Justice Socorro Inting bilang Comelec commissioner noong Mayo a-tres.
Ayon kay Supreme Court Clerk of Court at JBC Ex-Officio Secretary Atty. Edgar Aricheta, ang mga interesadong aplikante ay mayroong hanggang July 10 para magsumite ng kanilang aplikasyon.
Ayon sa JBC, ang petsa kung kailan nila natanggap ang aplikasyon at kumpletong documentary requirements ng isang aplikante ang ikukunsiderang petsa o araw ng filing ng aplikante.
Samantala, bukod sa bakanteng pwesto sa CA, inanunsyo rin ng JBC ang pagtanggap nito ng aplikasyon para sa 42 bakanteng pwesto bilang mga huwes sa National Capital Judicial Region (NCJR).
Ang mga interesadong maging huwes dito ay mayroon ding hanggang July 10 para magsumite ng kanilang aplikasyon.
Samantala, handa na ang public panel interview ng JBC sa June 14 para sa mga kandidato sa mababakanteng pwesto ni Supreme Court Associate Justice Presbitero Velasco Jr., na magreretiro na sa August 8.