
Kasado na ngayong araw ang simula ng pagtalakay ng Kamara sa panukalang P6.793 trilyong na panukalang pambansang budget sa susunod na taon.
Alas-9:30 ngayong umaga ay tatanggap ang House Committee on Appropriations ng briefing mula sa mga miyembro ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).
Patungkol ito sa kalagayan ng ekonomiya ng bansa at mga macro-economic assumptions na ginamit ng administrasyon sa pagbuo ng 2026 National Expenditure Program (NEP).
Kabilang sa mga magsasagawa ng briefing na syang bumubuo sa DBCC ay sina Budget Secretary Amenah Pangandaman, Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan Jr., Finance Secretary Ralph Recto, at Bangko Sentral ng Pilipinas Gov. Eli Remolona Jr.
Inaasahan namang haharap si Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa mga miyembro ng DBCC na pangungunahan ni House Appropriations Committee Chairperson at Nueva Ecija Rep. Mika Suansing.
Unang inihayag ni Romualdez ang limang budget reforms na inilatag ng Kamara para maging transparent pagtalakay sa budget at kabilang dito ang pag-alis ng “small committee” na syang nag-aasikaso sa mga institutional amendments, gayundin ang pagbubukas ng talakayan sa mamamayan at sa media.
Imbitado rin ang mga civil society groups, people’s organizations, at pribadong sektor sa budget hearings gayundin ang pagpapalakas ng oversight function ng Kamara sa pagpapatupad ng budget at ang pagprayoridad sa mga pamumuhunan na tunay na makakatulong sa buhay ng mga Pilipino.









