Bukod sa extension – sistema sa pagkuha ng RFID, dapat ayusin din

Malaking bagay para kay Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. na mula November 2 ay pinalawig hanggang December 1 ang pagpapatupad ng mandatory cashless transaction sa lahat ng expressway.

Pero giit ni Revilla, ang extension na ito ay dapat tapatan ng pinahusay na sistema sa pagkuha ng Radio-Frequency Identification (RFID) stickers.

Giit ni Revilla, mababalewala lamang ang palugit na ibinigay ng Department of Transportation (DOTr) kung patuloy ang kawalan ng kakayahan ng mga tollway operators sa pamamahagi ng RFID na nagdulot ng malaking kaguluhan.


Ipinaliwanag ni Revilla na hangga’t hindi nagdadagdag ng mga installation center na hindi kinakapos sa RFID at hangga’t hindi inaalis ang mga fixer na wala nang inabangan kung hindi ang cut-off ng mga installation center ay hindi magiging maayos ang lahat.

Bilang Vice-Chairman ng Senate Committee on Public Services, ay nauna nang kinastigo ni Revilla ang mga toll operators dahil sa kawalan ng kahandaan sa pagdagsa ng mga motorista na kumukuha ng RFID stickers.

Binatikos din ni Revilla ang mga installation center na nagpapatupad ng cut-off na hanggang 100 piraso lamang na RFID sticker kada araw kaya maraming motorista ang hindi nakakakuha matapos pumila ng ilang oras.

Facebook Comments