Bukod sa flood control, iba pang proyekto ng DPWH, rerepasuhin din ng bagong liderato

Screenshot from RTVMalacañang/YouTube

Isasailalim sa komprehensibong pagsusuri ang lahat ng proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kabilang ang mga flagship infrastructure projects ng administrasyong Marcos, bilang bahagi ng malawakang reporma sa ahensya.

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, prayoridad ng bagong liderato ang pagsisiyasat sa mga flood control project na matagal nang reklamo ng publiko.

Malinaw aniya ang direktiba ng pangulo na unahin ang mga proyektong may direktang epekto sa kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan.

Kasama sa imbestigasyon ang lahat ng dating opisyal, kabilang na ang nagbitiw na si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, alinsunod sa kautusan ng pangulo na bumuo ng independent commission para busisiin ang anomalya at kapabayaan sa ahensya.

Nakatakda ring ipatupad ang mas mahigpit na pamantayan sa pagpili ng kontraktor at pag-aaralan din ng kalihim na magpatupad ng perpetual disqualification sa lisensiya ng mga tiwaliing kontratista.

Facebook Comments