Kumikilos na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) para matukoy kung meron bang nangyayaring bentahan ng slot para mabakunahan ng COVID-19 vaccine sa bansa.
Sa ngayon, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga alkalde ng Mandaluyong at San Juan City kaugnay sa kumakalat sa social media na may nangyayaring under the table sa bakunahan sa kanilang lungsod.
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, kung totoo man ito ay hindi nila inaaalis na posibleng may ganito ring insidente sa iba pang panig ng bansa.
Dahil dito, pinayuhan niya ang publiko na agad ipagbigay sa DILG o idulog sa Philippine National Police (PNP) kung sakalimang may matuklasang nagbebenta ng slots para sa COVID-19 vaccines.
Nabatid na ₱8,000 to ₱12,000 ang umano’y presyuhan kung nais makatiyak na mababakunahan.
Samantala, sinabi rin ni Malaya na posible na may ilang tao na nagsasamantala kung saan nagbebenta ng slot pero matapos magbayad ay wala naman mapapala ang biktima.