Hinimok ni Senador Imee Marcos ang gobyerno at pribadong sektor na samantalahin ang alok ng World Health Organization (WHO) na makabagong blood-testing technology na walang paghigpit sa paggawa at madaling gamitin sa kanayunan.
Mungkahi ito ni Marcos sa gitna ng pagkabahala ng buong mundo sa bagong COVID-19 variant na Omicron.
Giit ni Marcos, dapat palakasin ng bansa ang kapasidad sa testing ngayon, higit pa kaysa dati gamit ang naturang teknolohiya.
Paliwanag ni Marcos, isa itong mabisang suporta sa National Vaccination program na hanggang ngayon ay may mga hamon pa rin ba kinakaharap.
Kabilang sa mga hamong tinukoy ni Marcos ang pag-aatubili ng publiko na magpabakuna, kawalan ng maayos na imbakan at aberya sa paghahatid ng COVID-19 vaccine sa mga malalayong isla at mga bulubunduking lugar, gayundin ang lumulobong kakapusan ng karayom ng mga hiringgilya sa buong mundo.
Diin ni Marcos, hindi sapat ang pagbabakuna lang para makontrol ang pandemya dahil sa patuloy na paglitaw ng mga variant gaya ng Delta at Omicron.
Ayon kay Marcos, para hindi na bumalik sa malawakang lockdown at humina lalo ang ating ekonomiya ay Kailangang maagap tayo sa pagkalat ng virus, sa pamamagitan ng mas maagang pagtukoy at paghihiwalay sa mga tinamaan.