Bukol sa tiyan ng isang dalagita, nadiskubreng kambal na hindi nabuo

British Medical Journal

Bihirang kasong medikal ang natuksalan mula sa isang 17-anyos na babae sa India na nakaranas ng pananakit at paglaki ng bukol sa tiyan.

Napag-alaman ng mga doktor na ang iniindang bukol ng babae ay kakambal niyang hindi nabuo.

Ito ang kauna-unahang kaso sa mga kababaihang nasa parehong edad ng pasyente, ayon sa bagong British Medical Journal article.


Sa loob ng limang taon, lumaki at sinakop ng bukol na matigas at may iregular na hugis ang tiyan ng dalaga.

BMJ

Lumabas sa scan ng bukol na mayroon itong mga taba, soft tissues, at iba’t-ibang hugis at laki ng buto.

Isinailalim ang pasyente sa operasyon para tanggalin ang bukol na nadiskubreng mayroong buhok, buto, at iba pang bahagi ng katawan, na tinawag ng mga doktor na kaso ng fetus in fetu (FIF).

Nangyayari lamang ang FIF o kaso kung saan matatagpuan ang malformed fetus sa katawan ng nabubuhay na kambal, sa isa sa 500,000 na isinilang, at hindi pa lumalagpas sa 200 ang naitalang kaso nito.

“This is the eighth case of adult FIF and the first case of FIF in an adult woman worldwide,” ayon sa may-akda na nagsabing kadalasan itong nangyayari sa mga batang lalaki.

Sumukat ng 30 x 16 x 10 centimeters ang kabuuan ng tinanggal na bukol sa tiyan ng babae.

Mabuti naman na raw ang pakiramdam ng pasyente makaraan ang dalawang taon matapos ang operasyon.

“I was much worried about my abdominal lump, after operation I am feeling very well and my abdomen is now flat and my parents are also very happy. Thanks to all operating doctors,” sambit ng pasyente sa report.

Facebook Comments