Bulacan, pinaka-notoryus sa mga maanomalyang flood control projects —Senador Panfilo Lacson

Tinukoy ni Senator Panfilo Lacson na pinaka-notoryus pagdating sa mga maanomalyang flood control projects ang lalawigan ng Bulacan.

Pinangalanan ni Lacson sa kanyang slide presentation sina dating District Engineer Henry Alcantara at ang pumalit sa kanya na si Brice Hernandez na sangkot sa mga ghost project kung saan sa kanilang opisina ay mayroong 28 proyekto na pare-parehong P72 million ang pondo.

Anim na barangay sa lalawigan ng Malolos at Hagonoy sa Bulacan ang tinukoy sa presentasyon ni Lacson na kung saan ang mga kinuhang contractors ay ang Wawao Builders at ang Darcy and Anna Builders.

Pare-parehong nasa P77 million ang halaga ng mga flood control project na kinuha ng mga nabanggit na contractors subalit tila multo lamang ang mga ito dahil nang puntahan ng mga staff ng senador ay wala silang makitang proyekto.

Sinabi ni Lacson na mistulang multo rin ang Darcy and Anna Builders dahil ang address na ibinigay nito nang puntahan ito sa Cardona, Rizal ang natagpuan ay gym at e-payment store sa halip na isang construction company.

Bukod dito, tinukoy rin ni Lacson ang Wawao Builders na hindi matagpuan nang puntahan ang proyekto at sa halip isang Ferdstar Builders Contractors ang kanilang dinatnan.

Dagdag pa ng senador, handa siyang ibigay ang mga pangalan ng sindikato sa 1st District Engineering Office ng Bulacan na sangkot sa mga substandard at ghost projects at may mga testigo rin na handang magpatunay sa mga maanomalyang proyekto.

Facebook Comments