Malinis at maayos na sistema ng pamamahala ang mananaig sa ilalim ng pamumuno ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson.
Ito ang ipinangako ni Lacson sa ginanap na KBP Presidential Candidates Forum nitong Biyernes, kasabay ng paghahayag na hindi niya hahayaang magpatuloy ang kultura ng palakasan sa pamahalaan kung siya ang magiging susunod na pangulo.
Sinabi ng presidential candidate ng Partido Reporma na hindi siya magiging balakid sa Kongreso na magsagawa ng imbestigasyon sa magiging miyembro ng kanyang Gabinete kung sakaling masasangkot man ang mga ito sa isyu ng katiwalian.
“Hinding hindi,” tugon ni Lacson sa tanong kung ipagbabawal niya ba ang pagdalo ng kanyang Gabinete sa mga imbestigasyon ng Kamara de Representantes o Senado tulad ng ginawa sa Pharmally scandal.
“Kasi ang ipu-push natin ang transparency. Paano magtatagumpay ang administrasyon kung magtatago tayo ng dapat malaman ng publiko?” paliwanag ni Lacson.
Ipatutupad ni Lacson ang iisang pamantayan para parusahan ang mga opisyal at kawani ng gobyerno na mapatutunayang naging tiwali sa tungkulin, kaibigan man niya ito o kaalyado.
“Sa loob ng unang isang daang araw, sisimulan ko ang internal cleansing laban sa mga ICUs – o mga Inept, Corrupt, at Undisciplined government officials and employees,” ayon sa chairman ng Partido Reporma.
“Naging kultura ang kultura ng palakasan. ‘Yan ang ating ihihinto,” sabi ni Lacson. Aniya, nagawa na niya ito nang maging hepe siya ng Philippine National Police (PNP) simula 1999 hanggang 2001, kaya naman asahan umano na maipatutupad niya rin ito sa kanyang administrasyon.
Tulad ng kanyang ginawa sa PNP, ‘leadership by example’ ang ipapamalas ni Lacson sa pamamagitan ng pagpirma sa waiver of rights para sa Bank Secrecy Act sa unang araw pa lamang niya bilang pangulo, at hihikayatin ang lahat ng kanyang Gabinete, mga opisyal at kawani ng pamahalaan para gawin din ito.
Pagtitiyak ni Lacson, aayusin niya ang pamahalaan para sa katiwasayan ng pamumuhay ng lahat ng mga Pilipino alinsunod sa kanyang mensahe simula pa lang ng pag-anunsyo niya ng kandidatura na “Aayusin ang Gobyerno” at “Uubusin ang Magnanakaw.” ###