Inihayag ngayon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS na walang patid pa rin sa pagbuga ng abo ang Bulkang Kanlaon sa Negros Islands.
Batay sa pinakahuling monitoring ng PHIVOLCS sa nakalipas na 24 oras, umaabot na sa 27 volcanic earthquake ang naitala sa bulkan at nakapagtala ng 5,840 tonelada ng asupre ang ibinubuga kada araw ng naturang bulkan.
Napag-alaman pa ng PHIVOLCS na nakitaan din ito ng pagsingaw ng hanggang 750 metro taas at napadpad sa Hilagang -Kanluran at Kanluran sa paligid ng Bulkang Kanlaon.
Nabatid na nanatiling nakataas pa rin ang Alert Level 3 sa Bulkang Kanlaon at patuloy na nagpapakita ng mas mataas na aktibidad mula nang pumutok noong Disyembre 9, 2024.
Batay sa ulat, 12,043 pamilya o katumbas ng 46,256 indibidwal ang apektado na ng pag-aalburoto ng bulkan.
Sa kabuuang bilang, 4,387 pamilya dito o 14,321 indibidwal ang nasa evacuation centers.