Itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Alert Level 1 ang Bulkang Mayon o Low Level Unrest mula sa Alert Level 0 na normal.
Ayon sa Phivolcs, ito ay matapos makitaan ng bahagyang pamamaga ang bulkan.
Batay sa kanilang obserbasyon, may average na 688 tonelada kada araw ang ibinubugang sulfur dioxide ng mayon.
Habang nakapagtala rin sila ng mahihinang pagyanig sa paligid ng bulkan noong May 26 at June 20.
Sabi ng Phivolcs, indikasyon ito na nagkakaroon ng pag-akyat ng volcanic gas na dahilan upang mamaga ito.
Sa ngayon, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpunta sa 6 kilometer Permanent Danger Zone lalo na’t posible ang steam driven o phreatic eruption.
Ibinabala rin ng Phivolcs na maaaring magkaroon ng pagbuga ng abo at lahar sakaling magkaroon ng tuloy-tuloy na pag-ulan.