Bulkang Taal, hindi nakapagtala ng pagyanig, pero low-level background tremor, nagpapatuloy

Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na hindi sila nakapagtala ng volcanic earthquake sa Taal Volcano.

Batay sa Taal Volcano Bulletin na inilabas pasado alas-8:00 ngayong umaga, nagpapatuloy naman ang low-level background tremor na nagsimula pa noong Abril 8 ng kasalukuyang taon.

Sinabi rin ng ahensya na nagkaroon ng pagtaas ng mainit na volcanic gas sa lawa ng main crater.


Patuloy rin ang pagbuga ng nasabing bulkan ng sulfur dioxide, kung saan nasa humigit-kumulang 2,009 tonelada kada-araw ang binubuga nito simula pa noong ika-12 ng Hunyo.

Ayon sa PHIVOLCS, ang mga nabanggit ay batayan ng patuloy na pagligalig ng magma sa di kalalimang bahagi ng bulkan.

Dahil dito, patuloy pa ring nakataas sa Alert level 2 ang Taal Volcano kung saan inaasahan ang steam driven o phreatic eruption, volcanic earthquakes, bahagyang pagbubuga ng abo at volcanic gas.

Tiniyak naman ng PHIVOLCS na patuloy nilang babantayan ang kalagayan ng Bulkang Taal 24/7 at agarang ipagbibigay-alam sa publiko at sa kinauukulan ang anumang pagbabago sa bulkan.

Facebook Comments